Salamat Dok: Mga sakit sa tag-ulan

Posted at 08/01/2011 9:21 PM | Updated as of 08/02/2011 8:28 PM

Tag-ulan na naman! Hindi pa umaalis ang isang bagyo, may parating uli. Tuwing ganitong panahon, nauuso ang mga sakit na ito:

Alipunga

Alipunga o Athlete’s foot ay isang sakit sa balat ng paa na sanhi ng fungal infection mula sa organism na Trichophyton. Ito’y nahahawa sa mga mabasa-basang lugar gaya ng mga paliguan at shower rooms. Kaya rin tinawag na Athlete’s foot ito dahil ang mga atleta o manlalaro na iisa ang pinapagliguan ang madalas magkahawahan nito. Sa terminolohiyang medikal, ang alipunga ay tinatawag na Tinea pedis.

Paano gagamutin ang alipunga?

  1. Maghalo ng 1 basong sukang puti at 1 basong tubi sa isang palanggana. Ibabad ang paa ng 15 minutos dalawang beses sa maghapon. Ang sukang puti ay gawa sa acetic acid na mabisang panlaban sa fungal infection.
  2. Tuyuin ang paa maigi pagkatapos magbabad. Puwedeng pahiran ng alcohol ang paa para mapatay din ang mga bacteria. Gawin ito ng ilang araw hanggang sa mawala ang alipunga.
  3. Lagyan ng anti-fungal cream (generic name: ketoconazole). Ipahid dalawang beses sa maghapon. Gawin nang dalawang linggo hanggang gumaling.

Food at water-borne Diseases

Ang food at water-borne diseases ay grupo ng sakit sanhi ng bacteria, virus at parasites, chemical at toxins mula sa halaman at hayop.

“Una, ang mga iniinom nating tubig ay exposed sa dumi kapag ganitong panahon na nagbabaha. Alam naman nating hindi maganda ang kondisyon ng ilang mga tubo ng tubig. Pangalawa, kung ang panghugas na tubig sa pagkain ay marumi tapos hindi maayos ang prepasyon ng pagkain, diyan nagkakaroo ng diarrhea,” paliwanag ni Dr. Lyndon Lee Suy, Program Manager, Dengue and Emerging Infectious Diseases, National Center for Disease Prevention and Control ng Department of Health.

Paano makakaiwas sa food and water-borne diseases?

  1. Panatilihin ang kalinisan
  2. Paghiwalayin ang hilaw at lutong pagkain
  3. Lutuing maigi ang pagkain.
  4. Siguruhing nasa tamang temperature ang mga pagkain
  5. Gumamit ng ligtas na tubig at raw materials.
  6. Kung naghihinalang madumi ang tubig, pakuluan ito ng 3 minuto bago inumin.

Trangkaso, ubo at sipon

Ang Trangkaso ay isang pangkaraniwang sakit na nakakahawa sa pamamagitan ng pakikisalimuha sa ibang tao na may trangkaso, o sa paglanghap ng hangin na may Influenza virus. Ito’y isang impeksyon mula sa virus at pana-panahon ang pagdating; karaniwang “nauuso” ang trangkaso sa panahon ng tag-ulan. Bagamat kusang nawawala ang trangkaso makalipas ang ilang araw, ito ay maaaring magdulot ng matinding pagkakasakit at sa malalang mga kaso o sa mga taong may mahinang resistensya, maaaring ikamatay.

Ang Ubo mismo ay hindi sakit, ito'y isang sintomas ng sakit. Kaya tayo napapa-ubo ay para mailabas ng katawan ang mga maduming particles na napupunta sa ating baga. Kabilang dito ang alikabok at iba pa, o kaya naman mga bacteria o mikrobyo. Minsan, mga bahagi rin ng pagkain ay maaring mapagawi papunta sa baga - kaya kapag nasamid ng pagkain na nauubo rin tayo.

Ang Sipon ay karaniwang dahil sa mga iba't isang uri ng virus. May mga sipon ring dulot ng allergy. Minsan, parehong virus at allergy ang sanhi. Kaya kapag malamig o may pagbabago ng panahon ay sinisipon ang mga tao. Ito rin ang dahil kung bakit sa wikang Ingles ay "cold" ang tawag sa sipon.

Tuwang-tuwa ang mga bata sa paliligo at paglalaro sa ulan. Karaniwang tanong ng magulang – Nakakapagkasakit ba ang ulan sa sa mga bata? Ang sagot ni Dr. Lyndon Lee Suy, “Kapag naglalaro sa ulan, exposed ang mga bata sa dumi. Kung di malakas ang immune system, madaling makapasok ang mikrobyo sa katawan. Yun ang dahilan ng pagkakasakit.”

Dagdag pa ni Dr. Lyndon Lee Suy, “Walang nakukuha sa agad-agad na gamutan. Hindi 1 or 2 tableta magaling na agad. Magpa-evaluate na agad kung kailangang mag-antibiotic para hindi mahawa iba lalo na ang mga bata. Dapat masuri ang immune system lalo na kung madaling kayong kapitan ng sakit.”

Leptospirosis

Ang sakit na ito ay galing sa mikrobyong dala ng ihi ng daga na kadalasang nakukuha sa tubig baha. Pumapasok ito sa katawan kung may sugat o aksidenteng nainom ang tubig baha o tubig na kontaminado ng bacteria. Ilan sa mga palatandaan ay: lagnat, paninilaw ng mata at matinding sakit ng katawan.

Para makaiwas sa sakit na ito, magsuot ng magsuot ng bota kung hindi makaiwas sa baha, maglinis agad ng paa at katawan, at maglagay ng alcohol sa lahat ng nabasang parte ng katawan.

Dengue

Parami nang parami ang kaso ng dengue taun-taon. Alam na halos nating lahat na ito ay nakukuha sa kagat ng lamok. Para maiwasan, maglagay ng lotion laban sa lamok, magsuot ng long sleeves at long pants, at gumamit ng kulambo.

“Walang gagastusin kung iisipin palagi ang prevention. Dapat malinis ang kapaligiran. Siguraduhing walang nakatenggang tubig,” ayon kay Dr. Lee Suy.

Tips para makaiwas sa sakit

  1. Palakasin ang katawan at umiwas sa mga bisyo tulad ng sigarilyo at alak.
  2. Kumain ng pagkaing masustansya at mataas sa protina, tulad ng gatas, karne at sabaw ng manok.
  3.  Umiwas sa sobrang lamig o sobrang init. Kung malamig, mag-jacket at mag-medyas. Kung mainit naman, magsuot ng komportableng damit at umiwas sa araw. Kailangan ng ating katawan ang katamtamang temperatura lang.
  4. Uminom ng multivitamins araw-araw. Puwedeng mapunuan ng multivitamins ang kakulangan ng ating diyeta. Mura at mabisa din ang mga generics na vitamins.

June 12, 2011