K-12 curriculum ipapagamit na ngayong pasukan


Tatlumpu’t limang taon nang kindergarten teacher si Araceli sa public school.

Isa siya sa mga sumailalim sa two-day training para sa bagong kindergarten curriculum ng Department of Education (DepEd) noong isang taon.

Reklamo ni Araceli, kahit bihasa na siya sa pagtuturo ay kulang pa rin ang oras na ibinigay sa kanila para makabisado nila ang bagong curriculum.

“Puro lecture tapos bagama’t mayroong konting nag-demo, hindi namin gaanong gagap ang buong curriculum. Kailangan gagap na gagap mo iyan,” sabi ni Araceli.

Pangamba ni Araceli, baka ganito rin ang maging problema sa training ng DepEd ngayong Mayo para sa mahigit 140,000 grade 1 at grade 7 public school teachers sa buong bansa.

Ang mga papasok sa grade 1 at grade 7 ngayong school year ang unang batch na gagamit ng bagong K-12 curriculum.

Pero tiniyak ng DepEd na sapat ang paghahanda na kanilang ginawa.

“We want to make sure that our teachers are efficient to teach the new learning competencies that we want to teach,” sabi ni Education Assistant Secretary Tonsinito Umali.

Halimbawa, ituturo na ngayon sa grade 1 ang Music, Arts, Physical Education at Health.

Layunin ng K-12 program na magkaroon ng kindergarten at 12 taon ng basic education para mapataas ang antas ng edukasyon sa bansa.

Ang magpi-first year high school o grade 7 ngayong pasukan ang unang batch na tutuntong sa grade 11 at grade 12 sa school year 2016-2018.

Suportado naman ng Manila Public School Teachers Association o MPSTA ang programa pero duda silang sapat ang panahong inilaan para paghandaan ito.

“Para bang sapilitang ipinanganganak kumbaga sa sanggol. Ano naman ang magiging itsura kung sapilitang ipinanganganak, induced baby ang K-12 eh. Usually abnormal iyan, deformed,” sabi ni Benjamin Valbuena, presidente ng MPSTA.

Nangangamba ang MPSTA na mas bababa pa ang kalidad ng edukasyon kung mamadaliin ang pagpapatupad ng K-12. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino

04/18/2012 10:20 PM